Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Stats:
Published:
2022-01-11
Words:
1,642
Chapters:
1/1
Comments:
12
Kudos:
28
Bookmarks:
4
Hits:
225

Tagay

Summary:

Kasalanan ito ng napili nilang alak e.

Ito kasing si Kaoru, parang tanga. Hindi naman sila sanay sa brand na ito, pero narinig niya lang sa mga kaklase nila na masarap daw tsaka malakas ang tama. E si gago, madaling mahamon. Kaya ‘eto.

Notes:

DK!era is top-tier era, lalo na kung ang balikan nila ay parang usap-kalye lang LOL

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Kasalanan ito ng napili nilang alak e.

Ito kasing si Kaoru, parang tanga. Hindi naman sila sanay sa brand na ito, pero narinig niya lang sa mga kaklase nila na masarap daw tsaka malakas ang tama. E si gago, madaling mahamon. Kaya ‘eto.  

“Okey, okey, meron na uli ako.” 

Matindi ang kapit ni Kaoru kay Kojiro. Amoy alak, pero kasama noon ay amoy pa rin ni Kojiro ang shampoo niya. Gabi na, pero nandun pa rin—mabango, pamilyar. 

“May kuya ako dito sa Tokyo,” sabi ni Kaoru habang isa-isang tinataas ang mga daliri. ‘Two Truths, One Lie’ ang laro nila dahil saksakan talaga sila nang original. “Isa akong university freshman. Tsaka gandang ganda talaga ako noon kay Miaka.”

Tinulak ni Kojiro ang mukha nito. “Bastos ka rin e ‘no?”

Alam ni Kojirong may kuya si Kaoru. Malayo ang agwat sa edad nila, kaya't may trabaho na ito at natulungan sila nang sila'y lumipat dito upang mag-aral. Alam din syempre ni Kojiro na first year pa lang si Kaoru, bilang ka-edaran niya ang dating kaklase.

Si Miaka ay ex ni Kojiro na never nagustuhan ni Kaoru. Malamang sa malamang, nakasira pa ‘yun sa relasyon nila ni ex, dahil ‘di man lang sila tumagal nang isang buwan. Pero kung tutuusin, wala naman talagang nagustuhan si Kaoru sa mga naging girlfriend ni Kojiro. 

“E totoo namang pangit siya,” sabi ni Kaoru. 

“Hindi siya pangit, okey. Kakaiba lang kasi talaga ang taste mo.”

Matagal siyang tinitigan ni Kaoru. Medyo lutang ang itsura nito, kaya baka hindi lang talaga maka-focus. 

“Bakit? Ano ba alam mo sa taste ko?”

Tinulak muli siya ni Kojiro. 

Sa totoo lang, ‘di niya alam kung ano ang tipo ni Kaoru. Wala kasi itong nagustuhan sa haba ng pagsasama nila. Maraming nagkakagusto, pero lahat sinusungitan. Nakakaawa na nga ‘yung ibang girls sa class nila kapag nagtatapat kay Kaoru, kaya ayun, ang nangyayari tuloy, si Kojiro ang sumasalo. 

‘Di naman niya sila masisi. May itsura talaga si Kaoru—saksakan nang, sa totoo lang. Gwapo na merong mga anggulo pa ngang mas maganda pa sa ibang mga babae. Siya ‘yung tipong malakas ang dating at talagang ang lakas makatawag-pansin, at ‘di lang iyon dahil mukha na siyang tusukan ng aspili sa dami ng piercings niya. Baka nga ginawa niya ‘yun para manakot ng mga laging lumalapit sa kanya. Crush ng bayan sana 'to kung 'di lang siya kupal.

Pero okey lang din naman. Bagay naman sa kanya. ‘Yung mga piercings ba. 

“Hoy unggoy, ano na?” kalabit sa kanya ni Kaoru. “Ikaw na.”

Sa totoo lang, ang hirap na. Buong buhay na silang matalik na magkaibigan, pero parang ganun din kahaba na rin siyang gusto ni Kojiro. Mula pa noon noong nang-aaway si Kaoru ng mga kaklase dahil lagi niyang gustong kagrupo si Kojiro sa eskwela, o noong mga panahong napakadali nitong mapaiyak dahil saksakan siya ng pikon (hanggang ngayon naman). Tuwang tuwa si Kojiro sa kanya, kaya na lang lagi siya noong nakikipag-unahan sa mga kapatid gabi-gabi sa paggamit ng telepono para tawagan si Kaoru. 

‘Di niya agad naisip na kilig ang kanyang nararamdaman. Tuwing magkasama sila, ang sarap lang talaga sa pakiramdam. Bawat gabi siya’y mahihiga, sabik sa pagsikat ng araw dahil ibig sabihin ay babangon na siya upang sunduin si Kaoru para sabay silang pumasok sa eskwela. Kahit nga ang pagluluto ni Kojiro ay dahil maselan kumain si Kaoru, at lagi niyang nililista ang mga bagay na dapat ginawa ng kung sino ang nagluto ng pagkain niya.   

Ngayon, pupunta na si Kojiro sa Italya upang mag-specialize. Isang taon pa naman, pero mangyayari na talaga. Gusto ni Kojiro na maging magaling, at dahil na rin pinangako nila sa isa’t isa na malayo ang kanilang mararating. Sa talino ni Kaoru, sureball na ‘yan. Kailangan lang siyang masabayan ni Kojiro.

Madali sana ang mga bagay-bagay noong high school pa sila at malayo pa ang plano nilang mangibang-bansa si Kojiro. Pero ngayong nalalapit na ito at ramdam na niya ang pagkaulila sa—crush, pota hindi—kaibigan, maraming bagay na sa loob niya ang nais nang mapansin. 

Inihanda ni Kojiro ang sarili. Sinimulan niya sa: “Pinanganak ako sa Okinawa.”

Kung may makapagsusulat man ng talambuhay ni Kojiro, si Kaoru na iyon. Madali lang sa kanya ang isang 'yan.

“May alaga akong aso."

Wala. Alam din nilang pareho 'yan. 

Humingang malalim si Kojiro. 

"May gusto ako sa'yo."

Pilit niyang tinitigan si Kaoru. Kailangan niyang makita ang mukha nito. Mabuti na ring makita niya ang reaksyon ni Kaoru nang magkaalaman na, nang matapos na… nang ma-basted na siya at siya'y makalimot na. 

Tanga lang ba kung kahit ngayong tinitignan niya si Kaoru matapos niyang magtapat dito, ang pinakapansin pa rin niya ay ang ganda at ningning ng mga mata nito? Parang ginto na dilat na dilat at nakatingin lang kay Kojiro. 

"Gago…" Mahina, halos pabulong na sinabi ni Kaoru. "Bumili ka ng aso?" 

Napakurap si Kojiro. Ano raw? 

Nang maintindihan nito ang sinabi ni Kaoru, napamura na lamang ito. 

"Tangina. Tarantado ka rin talaga e 'no?" 

Lumagpak si Kaoru sa sahig nang ito’y biglang binitawan ni Kojiro. 

"Aba malay ko ba?” pahamon na sabi ni Kaoru habang bumabangon sa sahig. “Paano kung bumili ka pala kahapon?"

“At saan ko naman dadalhin ang asong ‘yan, aber? Dito sa dorm? ‘Di ba bawal?”

“Sira ulo ka naman, baka ipinuslit mo.”

"E kung ganun e bakit hindi ko pa napupuno ang phone mo ng pics ng cute na cute kong tuta, ha? Gago." 

Tangina, maling mali talaga ang ideyang ito. 'Di malaman ni Kojiro kung ano ang sumapi sa kanya at sinabi niya iyon. 

Alak. Alak lang talaga. Lasing na rin kasi silang pareho at wala sa tamang pag-iisip. 

Tumayo si Kojiro. 

"Hoy, saan ka pupunta?" Hinabol siya ni Kaoru papuntang pintuan. 

"Kailangan kong umalis, Kaoru," sabi ni Kojiro. Hindi na niya matignan si Kaoru. 

"Ganun na lang ba 'yun?" sabi ni Kaoru. Hinawakan nito ang braso ni Kojiro at pilit siyang hinaharap sa kanya. "Ano? Wala ka bang… wala ka bang tanong sa akin?"

"Anong tanong?" 

"Ewan ko. Kung…" Mahina ang boses ni Kaoru. "Kung anong tingin ko sa sinabi mo." 

Maingat at bahagyang lumingon sa kanya si Kojiro. “O, so narinig mo naman pala.”

“E kung hindi ‘yung aso, ano pa ba?”

Humarap na sa kanya si Kojiro. Hinalukipkip ang mga braso. "Bakit, ano ba ang sinabi ko?" 

"Kupal ka, kung ayaw mong pag-usapan, e 'di 'wag!” Nabigla na lang si Kojiro nang siya'y itulak ni Kaoru. At 'di pa ito tapos.  “Alam mo, ganyan ka talaga e. Kung hanggang saan ka lang komportable, hanggang doon ka na lang. Parang sumpa ang magkagusto sa'yo!" 

"Sumpa ka dyan! Ano bang alam mo?" 

"Tanga ka ba? Sinasabi ko ngang alam na alam ko!" 

Matagal bago naintindihan ni Kojiro ang sinasabi ng isa. Pero kahit tingin niya ay naintindihan na niya, walang ibang magawa ang bibig niya kung hindi paulit-ulit na lang na bumukas at sumara. 

"Ano?" hamon ni Kaoru nang hindi agad nakapagsalita si Kojiro. Matapang ang mukha kahit namumula at nagluluha na ang mga mata. "Na-gets mo na ba, ha? Bobo. Gago. Magtatapat sabay aalis--" 

"Kaoru…" Mahina ang boses ni Kojiro habang unti-unting lumalapit sa isa. "Ayusin mo nga. Ano ang sinasabi mo?"

"E bakit ikaw, maayos mo bang sinabi 'yung iyo?" 

"Kaoru," pakiusap ni Kojiro. "Ikaw… ikaw rin ba? Gusto mo rin ba ako?"

"Tanga ka ba? 'Di ba halata?"

Napadilat na lang si Kojiro. "Ha? Malamang hindi! Kung alam ko e 'di may ginawa na sana ako!" 

Namula ang mukha ni Kaoru.

Shet, ano ba. And cute niya

"'Di nga?"

"O-Oo. Bakit hindi?"

Matagal lang na tumitig si Kaoru kay Kojiro. Kagat ang labi, nag-iisip. 

“Tandaan mo,” sabi nito. “Tandaan mo, ha. Lasing ako.”

“Okey?” dahan-dahang sagot ni Kojiro. “Tangina, tingin mo ikaw lang?”

Kojiro,” sabi muli ni Kaoru. Pulang pula na ang mukha nito. “Totoo nga kasi.”

“E sino ba ang nagsabing hindi, tignan mo nga itsura m–”

Hanggang doon na lang ang nasabi ni Kojiro dahil biglang nasa mukha na niya si Kaoru. Diniin nito ang mga labi niya kay Kojiro habang ang mga daliri nito ay unti-unting bumabaon sa kanyang buhok. 

Panaginip ba ito? Malakas na tama ng alak? Pero tangina. Ang sarap naman ng panaginip na ito. 

Niyakap siya ni Kojiro. Nang mahigpit. Ang init niya sa pakiramdam, at masarap siyang halikan. Maraming beses na itong inisip ni Kojiro, pero ni minsan ay 'di niya naisip na ito ay posibleng magkatotoo. 

Matagal din bago sila naghiwalay, pero kahit nakasandal na lamang ang ulo ni Kaori sa balikat niya, 'di pa rin siya mabitawan ni Kojiro. 

"Sorry," bulong ni Kojiro sa tenga ni Kaoru. Humigpit ang kapit nito sa isa. "Sorry, Kaoru. 'Di ko talaga alam." 

"Manhid ka kasi," ang sagot ni Kaoru. Medyo nanginginig ang boses. "Manhid na haliparot."

"Sino'ng haliparot--"

"Totoo naman." Humigpit din ang kapit ni Kaoru sa damit ni Kojiro. "Bwiset ka. Ang dami mo kayang nilandi. Panira ng araw, bawat isa."

"Kaya ka ba masungit sa girlfriends ko?" 

"Hitad lahat sila, okey?" 

"Bawas ligtas-points 'yan, 'wag ka ngang ganyan." Mahina ang banat, dahil wala naman talagang laban si Kojiro ngayong si Kaoru na ang kayakap niya. Wala na siyang ibang maisip kung hindi ang matagal na niyang pagkagusto sa kaibigan. "Sorry talaga, Kaoru."

"Sabi mo nga." 

"Wala silang sinabi sa'yo. Matagal na kitang gusto." Humiwalay si Kojiro sa kanya nang bahayga para titigan ang mga mata nito. "Babawi ako, Kaoru. Sobrang babawi ako." 

"Siguraduhin mo lang," pasimangot na sagot ni Kaoru. Nagniningning ang mga mata nito. "Dahil isang taon na lang."

"Babalik ako sa'yo," pangako ni Kojiro. "Lagi naman, 'di ba? Tsaka mag-iipon tayo. Bisitahin mo ako sa Italya." 

Muling ibinaon ni Kaoru ang mukha nito sa balikat ni Kojiro. 'Di na muling umimik, pero mahigpit ang yakap nito sa kanya. 

Nagkalat ang mga bote ng ininom nilang alak sa kwarto. Sino nga ba nag-recommend nito kay Kaoru? Mabigyan nga ng T-shirt. 

Notes:

Kitakits sa Twitter mga lods!